by Kristian Rivera
“Graduate ka ng 4 years sa college, yan lang ang trabaho mo?” Isa lamang ito sa mga hindi mabilang na negatibong komento na narinig ni Donna Rose Amparo, 22 years old at isang full-time na online seller.
Sa gitna ng pandemyang COVID-19, mas naging patok at nangungunang hanapbuhay ang online selling. Ngunit hindi katulad ng tingin ng nakararami, puno rin ng hamon at pagsusumikap ang buhay ng isang online seller. Nagsisimula ang araw ni Donna sa paggising nang maaga para tumanggap ng mga order ng damit at iba pang produkto na kanyang ibinebenta. Matapos mag-scroll at mag-reply sa PM at comments ng mga customer na nagtatanong ng size, agad na niyang aasikasuhin ang pagbabalot ng mga orders para maayos itong maipadala sa kanyang mga customers. Oras na para i-ship ang mga order. Si Donna rin ang lumalabas at nagpupunta sa mga courier hubs para maipadala ang mga produkto. Bahagi rin ng araw ni Donna ang isa-isang paglalatag ng mga paninda para makuhanan ng maayos na pictures ang mga ito. Hinihintay na kasi ng followers niya ang posts niya tungkol sa “new arrival” na mga damit.
Ngunit higit sa pagiging online seller, siya rin ay isang ina sa kanyang 2 years old na anak. Kwento ni Donna, nagpapasalamat siya na supportive din sa kanyang hanapbuhay ang buong pamilya niya. “Ang husband ko, very supportive, siya nagbabantay ng baby ko, at tinutulungan niya din ako sa delivery minsan.”
“Kahit nakakapagod, masaya ang online selling,” kwento pa ni Donna. Pero sa kabila nito, marami-rami na ring pagsubok ang kinaharap niya bilang isang online seller. Naranasan niya ang ma-scam, mabiktima ng bogus buyers, at may mga panahon din na matumal ang benta sa kanyang online shop.
“Madaming bogus buyer, hindi talaga yun nawawala, may mag-oorder pero hindi naman kinukuha, naranasan ko na ding ma-scam, syempre masakit, dahil ‘yung pera na tinaya ko, galing ‘yun sa pagod ko, hindi ko din maipagkakait na matumal ang benta minsan, lalo na’t tayo ay nasa pandemya, nalulugi din talaga.”
Patapos na ang araw pero hindi pa rin tapos ang mga gawain. May mga panahon din na napupuyat si Donna dahil sa pag-aasikaso ng kanyang mga paninda.
“Halos madaling araw na kami natutulog ng husband ko, may mga times na pagod na at kailangan magpahinga pero umaabot kami minsan ng alas-tres dahil kailangan namin asikasuhin lahat.”
Nang tanungin si Donna kung paano niya hinaharap ang mga pagsubok bilang online seller, mabilis niyang sinagot ito at nagkwento tungkol sa kanyang pamilya.
“Ang nagpapalakas sa akin ay ang aking pamilya, gusto ko mabigyan ng magandang future ang baby ko, aanhin ang pera kung wala ang family ko.”
Maraming negatibong komento na rin ang narinig ni Donna mula sa kanyang mga dating kaibigan at mga taong nakapaligid sa kanya. Ang ilan, minamaliit pa raw ang kanyang pagiging online seller. Pero para kay Donna, maituturing niyang achievement ang pagiging isang online seller.
“Ang pagiging online seller ay isang marangal na trabaho, achievement siya para sa akin, hindi naging madali ang pagbebenta dahil isa siyang all-around na trabaho, paulit-ulit lang pero masaya ako sa ginagawa ko, napapagod, pero lalaban ulit.”
コメント